--Ads--

Bumaba ang presyo ng strawberry sa Baguio City Public Market kasabay ng patuloy na pag-unti ng mga turistang bumibisita sa lungsod, ayon sa mga lokal na opisyal at negosyante.


Batay sa datos ng pamahalaang lungsod, umabot sa 40 hanggang 50 porsiyento ang ibinaba ng tourist arrivals nitong Abril 2026 kumpara sa mga nakaraang taon. Iniuugnay ang pagbaba sa mataas na presyo ng langis at paghina ng piso.


Sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ramdam ang epekto nito sa iba’t ibang sektor, kabilang ang malalaking establisimyento at maliliit na vendor na umaasa sa araw-araw na kita. Hinikayat din niya ang mga turista na magtungo sa lungsod ngayong Semana Santa.


Ayon sa Hotels and Restaurants Association of Baguio, bumaba ng hindi bababa sa 30 porsiyento ang hotel reservations mula pa noong unang bahagi ng Marso.

Sinabi ni kay HRAB spokesperson Andrew Piñero na may ilang hotel na nakapagtala ng hanggang 17 porsiyentong occupancy rate tuwing weekend.


Iniulat din na nakaranas ng milyong pisong pagkalugi ang ilang establisimyento tulad ng Baguio Country Club dahil sa kanselasyon ng mga booking, na nagbunsod sa pagbabawas ng operasyon at oras ng trabaho ng mga empleyado.

Sa Baguio City Public Market, sinabi ng mga vendor na kapansin-pansin ang kakulangan ng turista simula pa noong Pebrero. Sa kasalukuyan, nasa P100 hanggang P300 kada kilo ang presyo ng strawberry, habang P100 naman ang mga naka-pack para sa pasalubong.
Sa kabila ng mas mababang presyo at sapat na suplay, nananatiling matumal ang bentahan.


Bilang tugon, nagsasagawa ng mga promosyon at diskuwento ang mga negosyo, partikular sa sektor ng hotel, upang makahikayat ng mas maraming lokal na biyahero.


Patuloy namang mino-monitor ng mga opisyal ang sitwasyon, habang umaasa na muling tataas ang bilang ng turista sa mga susunod na linggo.