--Ads--

Nawasak ang nasa sampung pukyutan o bahay ng mga bubuyog sa mini honeybee farm ng MMA fighter na si Honorio Banario, matapos itong sirain ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal. Dahil sa insidente, namatay ang lahat ng mga bubuyog, kabilang ang mga queen bee.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Harold Banario, dalawang species o kolonya ng mga bubuyog ang inaalagaan ng kanyang kapatid na si Honorio Banario bago nila ito pinarami. Iginiit niya na posibleng walang sapat na kaalaman ang mga responsable sa ginawang paninira hinggil sa kahalagahan ng mga species ng honeybee.

Hinala ni Harold na sakay ng motorsiklo ang mga salarin, batay sa obserbasyon ng isang pinsan na may napansing kahina-hinalang pagpunta sa bee farm ni Banario. Naniniwala rin siya na maaaring mga nagbebenta ng ‘honey’ o pulot ang gumawa nito.

Sa kabila ng pangyayari, sinabi ni Harold na ipagpapatuloy pa rin nila ang pag-aalaga ng mga bubuyog, lalo’t may natitira pang dalawa hanggang tatlong bee hive.

Maipapaalang sa kanyang Facebook post, nagreklamo si Honorio Banario matapos masira ang kanilang mini honeybee farm at mamatay ang halos lahat ng mga bubuyog.

Sampung taon na umanong inaalagaan ang mini honeybee farm na sinimulan ni Honorio kasabay ng kanyang karera sa MMA. Nauna na rin silang nakiusap sa mga kapitbahay na agad ipaalam kung may makikitang kahina-hinalang gawain o sinumang nagnanakaw o kumukuha ng pulot sa kanilang lugar.