Nakikidalamhati ang dating PTA Federation President-Cordillera sa mga nasawi sa naganap na shooting incident sa Zamboanga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Ron Perez, sinabi niyang nakakalungkot at traumatic ang naturang insidente at kinakailangang pag-aralan at tugunan ang mga posibleng sanhi nito.
Nang tanungin kung sapat ang seguridad sa mga paaralan sa Cordillera, sinabi ni Perez na mayroon nang mga hakbang para mapataas at mapahusay ang seguridad sa mga paaralan. May ilan din umanong magulang na nagboboluntaryo upang tumulong sa seguridad, habang naglalaan naman ng karagdagang pondo ang Parent-Teacher Association (PTA), lalo na sa malalaking paaralan.
Gayunman, iginiit ni Perez na hindi lamang seguridad sa paaralan ang dapat tutukan dahil marami pang ibang salik na maaaring may kaugnayan sa mga ganitong insidente.
Kabilang dito, aniya, ang parenting, community environment at school atmosphere, na maaaring maging mga factor sa pag-uugali at kilos ng mga kabataan.
Sinabi rin ni Perez na dapat pag-aralan at masusing tingnan ang mga umiiral na batas na may kaugnayan sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang Juvenile Justice Law.
Iginiit din niya na hindi dapat isisi lamang sa gobyerno o sa mga school administrator ang responsibilidad sa kapakanan at pagpapalaki sa mga estudyante.
Ayon sa kanya, shared responsibility ang pagpapalaki at paggabay sa mga kabataan, na kinabibilangan ng mga magulang, guro, paaralan at buong komunidad.
Samantala, binigyang-diin din ni Perez ang kahalagahan ng responsableng pagmamay-ari ng baril at hinikayat ang mas mahigpit at seryosong pagpapatupad ng mga batas kaugnay nito.
Aniya, bagama’t mayroon nang mga batas para sa gun ownership, mahalaga ang mahigpit at epektibong implementasyon upang maiwasan ang paggamit ng baril sa mga insidenteng maaaring mauwi sa karahasan.











