--Ads--

Dinagsa ng libu-libong turista kaninang umaga ang makulay at engrandeng Floral Float Parade, isa sa highlights ng 2025 Panagbenga Festival na taon-taong ipinagdiriwang sa Summer Capital of the Philippines.

Naggagandahang bulaklak ang bumalot sa mga floats bilang disenyo na nagpapakita ng sining at kultura.

Bukod sa mga makukulay na float, nagbigay kasiyahan din sa mga manonood ang pagdalo ng ilang artista, beauty queen, at mga opisyal na sumakay sa mga float.

Kabilang dito sina Senator Imee Marcos, COMELEC Spokesperson Atty. George Erwin Garcia, ang cast ng teleseryeng “Batang Quiapo,” ilang kilalang vloggers gaya nina Janela in Japan at iba pang personalidad na nagbigay dagdag sigla sa pagdiriwang.

Madaling araw pa lamang kanina ay maraming turista ang maagang nagpunta sa iba’t ibang ruta ng parada para makahanap ng magandang pwesto.

Isa sa mga dumayo upang manood ay si Teacher Karla Bagtas mula Pampanga.

Ayon sa kanya, ito ang kanyang unang pagkakataon na makadalo sa Panagbenga Festival, at naging sulit ang kanyang paghihintay.

Aniya, madaling araw pa lang ay nakapwesto na sila sa Session Road upang makahanap ng magandang spot.

Hindi man sila nakapanood ng grand street dancing parade kahapon, sulit naman ang kanilang karanasan ngayong araw.

Dahil sa ganda ng kanyang karanasan, plano na niyang bumalik sa Baguio City sa susunod na Panagbenga Festival.

Ang Panagbenga Festival ay isang kaganapan na dinarayo ng maraming turista taon-taon sa lungsod ng Baguio.

Ipinakikita nito kung paano lubos na pinahahalagahan ng ating mga bisita ang kanilang pagpunta dahil sa pagdagsa ng mga ito. Ang Panagbenga ay isang patunay na hindi lamang isang simpleng pagdiriwang, kundi isang piyesta na nagpapakita ng mahalagang tradisyon na lumilikha ng magagandang alaala para sa lahat.//Bombo Local News Correspondent Rizza Gwen DoƱamal