--Ads--

Natatangi ang halamang tinatawag na “Kantutan.”

Ang halamang kilala sa pangalang “kantutan” ay maaaring magdulot ng maling impresyon dahil sa hindi kanais-nais na kahulugan ng pangalan nito. Gayunpaman, taglay nito ang iba’t ibang benepisyo.

Nakakuha ng pansin ang Paederia foetida L., na kilala rin bilang “kantutan” o “skunk vine,” dahil sa kakaiba at kontrobersiyal nitong pangalan.

Ang halamang ito ay kabilang sa pamilya ng Rubiaceae, na siya ring pamilya ng kape. Kamakailan, kinilala ito bilang Plant of the Month sa Makiling Botanic Gardens ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).

Matatagpuan ang halamang ito sa Pilipinas at iba pang karatig-bansa sa Asya, kabilang ang mga rehiyon sa Himalayas.

Sa kabila ng hindi kanais-nais na pangalan nito, kilala ang halamang ito sa pagkakaroon ng iba’t ibang gamit. Sa mga bansang tulad ng India at China, ginagamit ito bilang tradisyonal na gamot para sa ilang karamdaman gaya ng hirap sa pagtulog, problema sa pag-ihi, sakit sa pantog at bato, pagtatae, at iba pa.

Bagama’t hindi pa ganap na napapatunayan ng siyentipikong pag-aaral ang lahat ng benepisyong ito, matagal na itong ginagamit bilang bahagi ng tradisyunal na panggagamot sa mga lugar kung saan ito tumutubo. | via Bombo Marielle Apat