--Ads--

BAGUIO CITY — Inanunsyo ng Cordillera Philippine National Police (PNP) Press Corps ang pagbuwag sa kasalukuyan nitong mga opisyal matapos umano ang halos isang taong pagkakaetsa-puwera at kawalan ng pakikipag-ugnayan mula sa Police Regional Office–Cordillera (PRO-CAR). ‎ ‎Sa inilabas na pahayag, sinabi ng organisasyon na ang matagal nang ugnayan nito sa PRO-CAR—na nakabatay sa “mutual na paggalang, tiwala, at iisang layunin na maglingkod sa publiko”—ay unti-unting nasira sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng rehiyon. ‎

‎Ayon sa grupo, may mga nauna nang senyales ng hindi magandang trato, kabilang ang hindi pagdalo ng Regional Director sa induction ng kanilang mga opisyal.

Mula noon, sinabi ng Press Corps na madalas silang hindi naimbitahan sa mga opisyal na aktibidad, seremonya, at press briefing.

‎ ‎Iginiit ng organisasyon na hindi sila pormal na naanyayahang mag-cover ng mahahalagang gawain, kaya’t napilitan ang kanilang mga miyembro na umasa sa sariling inisyatiba at mga source upang magampanan ang tungkuling magbigay-impormasyon sa publiko.

‎ ‎Nagpahayag din ang grupo ng pangamba sa umano’y kakulangan ng transparency sa pagtalakay ng mga seryosong insidente na nakaaapekto sa mga komunidad, habang aktibong inilalabas naman ng regional command ang mga ulat tungkol sa pagbaba ng krimen.

‎ ‎Naging malinaw umano ang sitwasyon matapos ang isinagawang press conference sa Camp Bado Dangwa noong Pebrero 20, 2026, kung saan wala ni isang miyembro ng Press Corps ang naimbitahan.

Tinawag ng grupo ang hakbang bilang sinadyang pagsasantabi na umano’y sumasalungat sa mga prinsipyo ng transparency at accountability na ipinahahayag ng institusyon ng pulisya. ‎

‎Tinanong ng Cordillera PNP Press Corps kung kinikilala pa ba sila bilang lehitimong katuwang sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko at kung may nagawa ba silang dahilan upang maranasan ang tinawag nilang tuluy-tuloy at sinadyang pagkakaetsa-puwera. ‎

‎“Matapos ang halos isang taon ng kawalang-pansin, katahimikan, at pagkakaetsa-puwera, hindi na namin maaaring ipagwalang-bahala ang katotohanang nasa harap namin.”

‎Dahil dito, inanunsyo ng grupo ang pagbuwag sa kasalukuyan nitong mga opisyal, na anila’y hindi dahil sa kahinaan kundi bilang paninindigan.

Umaasa naman ang organisasyon na kikilalanin ng mga susunod na lider ng PRO-CAR ang mahalagang papel ng malaya, independiyente, at iginagalang na media sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko, pagtataguyod ng pananagutan, at pagpapanatili ng mga demokratikong halaga.

‎ ‎Sa kabila nito, tiniyak ng grupo na mananatili silang nakatuon sa katotohanan, transparency, at paglilingkod sa mamamayan. ‎