--Ads--

Mga residente sa Israel, nananatiling kalmado sa gitna ng kaguluhan; mga tindahan bukas pa rin sa kabila ng missile attacks at walang panic buying.


Wala umanong nagaganap na panic buying sa Israel sa kabila ng patuloy na labanan at missile attacks sa nasabing bansa.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Elena Firestein, Bombo International News Correspondent at Filipino resident sa Israel, sinabi nitong nananatiling normal ang galaw ng mga tao. Bukas pa rin aniya ang mga supermarket at maaaring makabili ng mga produkto anumang oras.


Ayon kay Firestein, nasanay na umano sila sa sitwasyon ng digmaan sa kanilang lugar. Gayunman, patuloy pa rin silang nag-iingat sa posibleng panganib at agad na nagtutungo sa mga bomb shelter kapag kinakailangan.


Ibinahagi nito na dahil sa kaguluhan, pansamantalang nahinto ang turismo sa bansa. Naglabas din ng advisory na nagsususpinde ng klase sa lahat ng paaralan. Ipinagbabawal ang mga pagtitipon at party, at may ilang lugar na hindi pinapayagang mag-operate ang mga establisimyento, bagamat may ilan pa ring nais pumasok sa trabaho.


Ibinahagi rin ni Firestein na nananatiling normal ang serbisyo ng transportasyon. Nakapagbiyahe pa umano sa pamamagitan ng bus ang kanyang mga kaibigan noong kanilang day-off.


Ayon pa sa kanya, nakahanda ang mga rescuer at mga sundalo ng Israel sakaling may tumamang bomba sa kanilang lugar.


Samantala, wala umano silang balak na umuwi sa Pilipinas sa ngayon.


Sa kabila ng mga nangyayari sa Israel, nagpapasalamat siya sa Maykapal at humihiling ng panalangin para sa Israel at sa iba pang mga bansang sangkot sa nagpapatuloy na tensyon.