--Ads--

Maghahain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng komento sa Korte Suprema kaugnay ng petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Ayon sa OSG, isusumite nito ang komento sa ngalan ng mga respondent na opisyal ng pamahalaan sa o bago ang Mayo 16.

Noong Lunes, naghain si Dela Rosa ng manifestation sa Korte Suprema para sa agarang judicial protection at humiling ng gabay hinggil sa legal na epekto ng ICC warrant. Hiniling din niya ang pag-isyu ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction upang pigilan ang kanyang pag-aresto o paglipat sa anumang foreign tribunal nang walang pahintulot ng korte.

Binigyan ng Korte Suprema ang mga respondent ng 72 oras para magpasa ng komento, at si Dela Rosa naman ng 72 oras upang maghain ng reply. Bagama’t hindi agad naglabas ng TRO ang Korte, sinabi nitong maaari pa itong mag-isyu nito sa susunod na mga hakbang.

Si Dela Rosa ay may arrest warrant mula sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder, kaugnay ng kampanya kontra droga mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.