--Ads--

Hindi na umano kailangan ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. ng emergency authority dahil bilang pangulo ng bansa, mayroon umano itong kapangyarihang maglabas ng executive order upang isuspinde ang implementasyon ng buwis na nagpapataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng excise tax, umaabot sa P6 ang buwis habang nasa P7 naman ang VAT—kaya halos P13 ang kabuuang buwis na binabayaran ng mga drayber at operator sa bawat litro ng petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mody Floranda, national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), iginiit nito na hindi na kailangan ng pangulo ng emergency power. Sa halip, aniya, mandato ng pangulo na maglabas ng executive order upang suspendihin o ibasura ang Oil Deregulation Law, na ayon sa kanya ay halos 20 taon nang hindi nagsisilbi sa interes ng mga mamamayan, hindi lamang sa sektor ng transportasyon.

Iginiit din niya na mas mainam kung maglalabas na lamang ang pangulo ng executive order upang alisin ang mataas na buwis sa produktong petrolyo.

Malaki umano ang maitutulong nito hindi lamang sa hanay ng mga drayber kundi maging sa mga commuter at sa pangkalahatang mamamayan.

Ayon pa kay Floranda, makakatulong man ang fuel subsidy, hindi umano nito tuluyang mareresolba ang problema sa sektor ng transportasyon. Aniya, sa mga nakaraang programang ayuda, marami pa ring operator at drayber ang hindi nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Kung seryoso umano ang pamahalaan sa pagtulong, mas mainam na kanselahin ang mataas na buwis sa presyo ng produktong petrolyo dahil hindi lamang ang sektor ng transportasyon ang makikinabang kundi pati na rin ang buong mamamayan.

Kapag natanggal umano ang mataas na buwis, makakatulong ito sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin at magiging karagdagang suporta pa sa maliit na sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Sa usapin naman ng dagdag-pasahe, sinabi niyang karapatan din umano ng mga operator at drayber na madagdagan ang kanilang maliit na kita sa pamamagitan ng fare increase.