Patuloy pa rin ang pagsisikap ng mga otoridad na maapula ang sunog sa kagubatan na nagaganap sa Bokod, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bokod Mayor Eric Donn Ignacio, maaring kumalat ang apoy sa mga kalapit na munisipyo, gaya ng Kabayan, Benguet. Sinabi niya na tatlong araw na nagpapalipat-lipat ang apoy hanggang sa kasalukuyan. Aniya, tumagal ang sunog dahil sa makapal na vegetation at matarik na slope, na nagpapahirap sa pag-apula nito.
Binigyang-diin ng mayor na hindi ligtas para sa mga responder ang direktang pagharap sa ganoong sunog, dahil delikado ang pag-akyat, at lalo pang mapanganib kung ma-trap sa nasusunog na lugar. Inamin din niya na kahit ang mga personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay nahihirapan na itong apulahin dahil sa matarik at mahirap na terrain.
Wala pang eksaktong tala kung gaano kalawak ang nasunog, ngunit ayon sa mayor, malawak ang naapektuhang lugar, na posibleng nagmula pa sa kalapit na bayan ng Kabayan, Benguet. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad kung ano ang dahilan at saan nagsimula ang sunog.
Ayon pa sa alkalde, sa naganap na insidente kagabi, wala namang nasaktan o naapektuhan na kabayahan, at ligtas na nakabiyahe ang mga stranded na biyahero.
Ibinahagi pa ng alkalde na isa ang sunog sa matagal nilang problema, mula pa noong siya ay Vice Mayor ng Bokod. Dahil dito, nagpaalala siya sa publiko na maging maingat sa paggamit ng apoy at pinaalalahanan ang lahat laban sa pagsasagawa ng kaingin. Ani niya, mahalagang i-report sa kinauukulan kung may mga nagtatapon o nagsisindi ng apoy upang agad na maaksyunan at hindi maapektuhan ang iba.










