Naaresto ng mga awtoridad ang isang 56-anyos na lalaki na itinuturing na high-value individual matapos maaktuhang nagdidilig at nagpapatuyo ng kanyang mga tanim na marijuana sa Brgy. Pappa, Sablan, Benguet noong Abril 11, 2026.
Nakumpiska mula sa plantasyon ng suspek ang 53 fully grown marijuana plants, 22 marijuana seedlings, 7,600 gramo ng tuyong marijuana stalks na may dahon at fruiting tops, at 305 gramo ng marijuana seeds, na may kabuuang Standard Drug Price na PhP 930,980.00.
Dagdag pa rito, napansin ng mga operatiba ang nakausling hawakan ng baril mula sa backpack ng suspek kaya agad nila itong siniyasat, na nagresulta sa pagkarekober ng isang kalibre .45 na pistol na may magazine na kargado ng walong bala at tatlong piraso ng 7.62mm na bala.
Ayon sa ulat mula sa Regional Operations Division ng PRO CAR, ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Sablan Municipal Police Station (MPS), 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company (PMFC), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Benguet Police Provincial Office (PPO), kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng Sablan MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










