TABUK CITY, KALINGA – Arestado sa Tabuk City, Kalinga ang ilang Chinese Nationals dahil sa paglabag sa immigration laws.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes, limang Chinese nationals ang naaresto sa dalawang magkakahiwalay na operasyon sa Tabuk City dahil sa umano’y paglabag sa mga batas pang-imigrasyon ng Pilipinas.
Sa unang operasyon sa Barangay Dagupan Centro, naaresto si Huang Xilai, 57, na dating namamahala sa isang commercial establishment. Napag-alamang naka-overstay siya at nagtrabaho sa bansa nang walang tamang visa o permit, at hindi rin naipakita ang valid na travel documents, nagpakita lamang ng digital copy ng kanyang pasaporte.
Sa isa pang operasyon sa Barangay Bulanao, nahuli ang tatlong Chinese nationals: Huang Huifang, 51; Huang Menggui, 24; at Huang Mengjiao, 28. Ayon sa BI, nagkasala rin ang tatlong ito sa overstaying, pagtatrabaho lampas sa saklaw ng visa, at pagiging undocumented.
“Ang lahat ng naarestong dayuhan ay dinala sa Maynila para sa booking, medical examination, biometrics, at dokumentasyon bilang paghahanda sa preliminary investigation at posibleng deportation proceedings,” ayon sa pahayag ng BI.











