--Ads--

Inaasahang babalik sa lalong madaling panahon ang two-lane passable road sa Purok 7, Uabac, Kennon Road, Baguio City, matapos itong maayos at matapos kahapon ang rehabilitasyon. Nagsimula ang pagkukumpuni ng kalsada noong Pebrero 3, kasunod ng pagbagsak ng isang adit o mine tunnel noong Pebrero 2, na nagdulot ng pansamantalang pagkaantala sa daloy ng trapiko.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – Baguio, ang natuklasang mine tunnel ay posibleng ginawa ng ilang small-scale miners sa lugar. Ipinaliwanag ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na hindi ito sinkhole kundi isang “collapsed adit,” na karaniwang nangyayari sa mga lugar ng underground mining o small-scale mining.

Ang insidente ay nagdulot ng pangamba sa mga motorista at residente sa kalapit na lugar. Gayunpaman, iginiit ng DPWH na agad nilang tinugunan ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maibalik ang normal na daloy ng trapiko sa Kennon Road.

Dagdag pa ng MGB, patuloy silang magbabantay sa mga lugar na may small-scale mining upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap. Pinayuhan din nila ang mga motorista at residente na maging maingat sa pagdaan sa naturang kalsada hanggang sa tuluyang makumpleto ang rehabilitasyon.

Sa kasalukuyan, inaasahang maibabalik ang two-lane passable road sa normal nitong operasyon, na magbibigay ng mas maayos at ligtas na daan para sa mga lokal at turista na bumibiyahe sa Kennon Road. | via Bombo Marielle Apat