Tinutulan ni Senador Risa Hontiveros ang pahayag ni Senador Robin Padilla na maaaring ituring na “force majeure” ang tensyon sa Middle East at China-Taiwan, gayundin ang epekto ng El Niño, upang payagan ang online participation sa Senate sessions.
Ayon kay Hontiveros, hindi maituturing na force majeure ang mga nabanggit na sitwasyon at dapat pang lalo umanong pumasok sa trabaho ang mga mambabatas upang tugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at iba pang suliranin.
Nauna nang iminungkahi ni Senador Rodante Marcoleta ang pag-amyenda sa Senate rules upang payagan ang teleconferencing sa pagdalo at pagboto ng mga senador.
Nag-walkout naman ang minority bloc noong Martes bilang pagtutol sa panukala at sa umano’y paglabag sa Senate rules hinggil sa tamang proseso ng deliberasyon.
Sinabi ni Hontiveros na handa ang minority bloc sa panibagong debate ukol sa isyu sa susunod na linggo.











