Ibinahagi ni Raymond Paris Cabuco, Mr. World Philippines 2026–Baguio City, na biglaan lamang umano ang kanyang pagpasok sa mundo ng pageantry.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi niya na wala siyang interes sa pageant noong siya ay nasa kolehiyo pa. Ayon sa kanya, may mga taong nag-udyok sa kanya na sumali sa mga pageant, ngunit noong una ay pinag-isipan muna niya kung ito ba ay naaayon sa kanyang mga pangarap at layunin sa buhay.
Taong 2023 nang una siyang sumali sa isang pageant sa kanilang departamento. Doon niya nakita ang potensyal at kapangyarihan ng pageantry bilang isang plataporma upang maisulong ang mga adbokasiya at makalikha ng positibong epekto sa lipunan.
Ayon kay Cabuco, wala sa kanilang pamilya ang may karanasan sa pagsali sa mga pageant kaya’t nagulat at napaisip din ang kanyang pamilya nang pasukin niya ang naturang larangan. Gayunman, sinabi niyang malaki ang naitulong ng pageantry sa kanyang personal na pag-unlad at kalaunan ay naging bahagi na rin ito ng kanyang karera.
Inilarawan niya ang kanyang sarili bilang isang sobrang mahiyain na estudyante noong kolehiyo. Aniya, madalas siyang mag-isang kumakain ng tanghalian at agad na umuuwi pagkatapos ng klase.
Ito ang kanyang tugon nang tanungin kung paano nakatulong ang pageantry sa pagpapalakas ng kanyang tiwala sa sarili.
Ayon kay Cabuco, malaki ang naitulong ng pagsali sa mga pageant sa paghubog ng kanyang kumpiyansa bilang isang lalaki. Aniya, hindi lahat ng kalalakihan ay may lakas ng loob na humarap at magtanghal sa harap ng maraming tao.
Bilang paghahanda para sa gaganaping Mr. World Philippines 2026 sa Hulyo 25, sinabi ni Cabuco na patuloy siyang nagdi-diyeta, nag-aaral ng mga napapanahong isyu at pangyayari, nagdarasal, at sinisigurong nakakakuha ng sapat na pahinga at tulog.
Aniya, hindi lamang pagpapapogi ang mahalaga sa kompetisyon kundi maging ang talino at kahandaan sa pagsagot sa mga tanong. Dagdag pa niya, ayaw niyang mapahiya ang Baguio bilang kinatawan nito kaya patuloy siyang nagbabasa at naghahanda upang maging handa sa pagharap sa press at media.
Ibinahagi pa nito na nang mabigyan siya ng pagkakataong sumali sa Mr. World Philippines, sinabi niyang hindi niya ito maaaring tanggihan. Naniniwala siyang kaloob ito ng Maykapal at isang malaking karangalan ang katawanin ang kanyang hometown kaya hindi niya pinalampas ang oportunidad.
Dagdag niya, wala siyang nararamdamang kaba sa mga aktibidad ng Mr. World Philippines dahil ramdam niya ang suporta ng mga taga-Baguio.
Ang kanyang adbokasiya ay “Harmony With Hope,” habang ang kanyang talento naman ay pag-awit, na kanyang ipapakita sa national stage.
Samantala, inihayag ni Cabuco na handang-handa na siya para sa kompetisyon. Bagama’t hindi niya maipapangakong maiuuwi ang korona, tiniyak niyang ibibigay niya ang kanyang 100 porsiyentong kakayahan at sisikaping hindi mapahiya ang Baguio sa kanyang paglahok.











