Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 24 na bus unit ng isang kumpanya kasunod ng malagim na aksidente sa Baguio City na ikinasawi ng hindi bababa sa dalawang katao.
Ayon sa LTFRB, ang hakbang ay may bisa sa loob ng 30 araw habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may naging paglabag ang bus company sa mga regulasyong nakapaloob sa kanilang Certificate of Public Convenience.
Sa pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, tiniyak niya ang isang “patas at walang kinikilingang imbestigasyon,” at binigyang-diin ang kahalagahan ng kaligtasan ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon.
Batay sa ulat, ang sangkot na bus ay pag-aari ng North Genesis Bus Line, Inc. at bumibiyahe patungong Baguio City nang bumangga ito sa isang nakaparadang trak sa Kilometer 6, Marcos Highway noong madaling araw ng Hunyo 16.
Dalawang pasahero ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng bus, habang anim pa ang nasugatan sa insidente.
Kasunod ng aksidente, naglabas ang LTFRB ng show cause order laban sa kumpanya. Inatasan din ang drug testing sa lahat ng mga driver at isinailalim sa roadworthiness inspection ang 24 na sinuspindeng unit.
Hiniling din sa bus company na magsumite ng paliwanag kung bakit hindi ito dapat parusahan dahil sa umano’y pagkuha ng iresponsableng driver.
Ipinag-utos din ang pagsuko ng mga plaka ng mga sinuspindeng sasakyan upang matiyak ang pagsunod sa kautusan.
Bukod dito, pinatitiyak ng LTFRB ang agarang pagbibigay ng insurance at tulong para sa mga pamilya ng mga nasawi at mga nasugatan, habang minomonitor ng mga regional office ang pagpapatupad nito.
Nanawagan din ang ahensya sa mga operator at tsuper ng pampublikong sasakyan na pairalin ang mas mahigpit na disiplina at kaligtasan sa kalsada, iginiit na ang tiwala ng publiko ay dapat suklian ng ligtas na biyahe.











