Patuloy ang pagsasagawa ng paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng Baguio City Public Market upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Daryll Kim Longid, head ng Public Order and Safety Division, sinabi niyang isinasagawa linggu-linggo ang paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng pamilihan sa pamamagitan ng mga inisyatiba ng mga vendor, direktiba ng market superintendent, at mga programa ng mga asosasyon.
Hindi itinanggi ni Longid na mas malinis ang palengke noong panahon ng pandemya dahil limitado ang paggalaw at paglabas ng mga tao, kaya nagkaroon ng mas maraming oras at pagkakataon upang magsagawa ng mas masusing paglilinis. Aniya, sa kasalukuyan ay mas dumami na ang mga mamimili at sasakyang pumapasok sa lugar, kaya mas malaking hamon ang pagpapanatili ng kalinisan.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng regular na paglilinis ay ang pagdami ng mga daga. Ayon kay Longid, mahalagang matugunan muna ang pangunahing pinagmumulan ng pagkain at iba pang kondisyon na nagpapanatili sa populasyon ng mga daga upang maging epektibo ang kampanya laban sa mga ito.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng disiplina ng publiko sa wastong pagtatapon ng basura at pagpapanatili ng kalinisan sa pamilihan.
Samantala, binanggit ni Longid na dati nang nagpatupad ang lungsod ng Baguio ng programang nagbibigay ng insentibong pinansyal sa bawat mahuhuling daga. Gayunman, sinabi niyang nang alisin ang insentibo ay bumaba rin ang partisipasyon ng mga tao, na aniya’y nagpapakita na mas nakatuon ang ilan sa gantimpala kaysa sa tunay na layunin ng programa na mapanatili ang kalinisan at sanitasyon sa mga negosyo.
Dagdag pa niya, ang pangunahing prayoridad ng mga vendor ay ang makapagbenta ng kanilang mga produkto, kaya mahalaga ang sama-samang pagtutulungan ng mga tindero, mamimili, at mga kinauukulan upang mapanatiling malinis at maayos ang Baguio City Public Market.











