--Ads--

Mariing itinanggi ni Senator Erwin Tulfo ang alegasyong tumanggap siya ng malalaking halaga ng pera na umano’y inihatid sa kanya sa pamamagitan ng mga maleta.

Ayon kay Tulfo, wala siyang anumang kinalaman sa mga flood control project dahil hindi nakapangalan sa kanya ang anumang pondo para rito sa General Appropriations Act (GAA) mula pa noong 2023 nang maging kongresista siya. Aniya, maging sa National Expenditure Program (NEP) ay wala ring nakatalagang infrastructure, flood control, o farm-to-market road projects sa kanyang pangalan.

Iginiit din ng senador na wala siyang natanggap ni isang sentimo mula sa anumang proyekto ng gobyerno. Dahil dito, aniya, walang dahilan para umano’y tumanggap siya ng malaking halaga ng pera mula kay dating kongresista Zaldy Co.

Matatandaang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Senator Rodante Marcoleta, 18 indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines ang nagsabing naghatid umano sila ng mga maletang may lamang salapi kay Tulfo at sa iba pang opisyal ng gobyerno.

Noong Hunyo, naghain din si Tulfo ng kasong oral defamation sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa tatlong dating bodyguard ni Zaldy Co kaugnay ng mga alegasyon ng umano’y cash deliveries at trafficking.