--Ads--

Maganda ang daloy ng tubig at patuloy ang isinasagawang monitoring sa mga daluyan ng tubig sa Barangay Lourdes Extension. Kontrolado rin ang sitwasyon sa basura, taliwas sa nakaraang linggo kung kailan napuno ng mga basura ang ilang bahagi ng lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Captain Jeffrey Timango, sinabi nitong nag-ikot sila sa barangay at personal na ininspeksyon ang sitwasyon.

Ayon kay Timango, wala namang naitalang pagbaha sa lugar dahil tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa pamamagitan ng mga CCTV na nakapuwesto sa mga kritikal na bahagi ng barangay upang agad na mamonitor kung tataas ang lebel ng tubig.

Gayunman, may ilang basurang naanod na namataan sa lugar. Aniya, hindi ito nagmula sa Barangay Lourdes Extension kundi sa mga karatig-barangay.

Sa kabila nito, nagpasalamat si Timango sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay, mga residente, at ng General Services Office (GSO), dahil hindi na gaanong problema ang basura, lalo na sa bahagi ng arko na dati ay madalas tambakan ng mga ito.

Samantala, pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na manatiling alerto, mag-ingat, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsiyo at makinig sa radyo para sa mahahalagang abiso.

Hinikayat din niya ang mga residenteng nakatira sa mga low-lying areas na agad na lumikas kung kinakailangan at huwag nang hintaying tumaas pa ang tubig bago magbakwit.