BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ni Atty. Guillermo Bandonill, isang legal luminary, na sa ilalim ng Rules on Evidence, layunin ng cross-examination na alamin kung ang iniharap na ebidensiya ay authenticated at admissible, at maaari ring kuwestiyunin ang kredibilidad ng testigo. Gayunman, aniya, ang pagtatanong tungkol sa kredibilidad ng isang testigo ay dapat may kaugnayan sa merito ng kaso at sa mismong nilalaman ng kanyang testimonya.
Ito ang kanyang naging pahayag nang hingan siya ng opinyon hinggil sa pagtatanong ni Senator-Judge Robinhood Padilla kay Lotoc, isang testigo, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Bandonill, hindi naman nagpatotoo si Lotoc tungkol sa kanyang mga kwalipikasyon kaya’t wala umanong batayan upang ituon doon ang pagtatanong.
Kinuwestiyon din ni Atty. Bandonill ang kaugnayan ng mga tanong ni Senator-Judge Padilla tungkol sa kaalaman ni Lotoc sa mga Muslim. Aniya, hindi ito maituturing na fair comment dahil wala itong malinaw na kaugnayan sa testimonya ng testigo.
Binanggit din ni Atty. Bandonill ang tanong ni Senator-Judge Padilla kung ilang beses na-promote si Lotoc sa loob ng isang taon. Aniya, hindi nito nasusukat ang kredibilidad ng testigo dahil wala itong kinalaman sa merito ng kaso o sa mga bagay na kanyang pinatotohanan sa ilalim ng panunumpa.











