--Ads--

BAGUIO CITY — Muling bumagal ang inflation sa Baguio at sa buong Cordillera noong Hunyo dahil sa pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni PSA-Cordillera senior statistician Aldrin Federico Bahit Jr. na bumaba sa 6.7 porsiyento ang inflation sa Baguio noong Hunyo mula sa 7 porsiyento noong Mayo. Sa buong Cordillera, bumaba rin ito sa 6.5 porsiyento mula sa 6.8 porsiyento.

Ayon sa PSA, ang pagbagal ng inflation ay pangunahing dulot ng pagbaba ng diesel inflation sa 25.8 porsiyento mula 46.7 porsiyento, at gasoline inflation sa 38.5 porsiyento mula 47.9 porsiyento sa Baguio. Bumaba rin ang inflation sa diesel, gasolina, at LPG sa buong rehiyon.

Sa kabila nito, bahagyang tumaas ang inflation sa bigas sa 7.5 porsiyento mula 6.6 porsiyento, gayundin sa gulay, alak at tabako, at restaurant at accommodation services. Samantala, bumaba ang inflation sa isda at sa gastos sa pabahay at utilities.

Pinakamababa ang inflation sa Ifugao na 3.7 porsiyento, habang pinakamataas sa Apayao na 15 porsiyento noong Hunyo.