--Ads--

Nahahatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 40 ang tatlong indibidwal na sangkot sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023.

Ayon sa Department of Justice, napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina Joric Garrido Labrador, Joven Calibjo Javier at Benjie Rodriguez sa illegal possession of firearms, ammunition at explosives.

Si Labrador ay sinentensiyahan ng 8 hanggang 10 taong pagkakakulong dahil sa illegal possession of firearms and ammunition.

Samantala, sina Javier at Rodriguez ay kapwa sinentensiyahan ng reclusion perpetua dahil sa unlawful possession of explosives.

Ayon sa DOJ, nakumpiska mula sa mga akusado ang isang .45 caliber pistol, dalawang magazine, 14 na bala at dalawang hand grenade.

Pinagtibay rin ng korte ang validity ng warrantless arrests, matapos matukoy na magkakaugnay ang mga pangyayari mula sa pamamaril, pagsusuri sa CCTV at pagtugis sa mga getaway vehicle.

Iginiit ng DOJ na walang dapat manaig sa batas at pananagutin ang sinumang lalabag dito.