--Ads--

Patuloy ang pag-angat ng karera ng walang talong Pilipinong boksingero na si Carl Jammes Martin matapos ang kanyang matagumpay na laban kontra Mexican boxer na si David Picasso sa Riyadh, Saudi Arabia.


Sa kanyang pagdalo sa Philippine Sportswriters Association Forum, inihayag ng 27-anyos na si Martin na nais niyang makaharap ang mas matataas na boksingero sa world rankings, partikular ang mga nasa top three o top four.


Pangunahing target din niya ang WBO super-bantamweight championship, kung saan kasalukuyan siyang rank number one. Gayunman, bukas din siya sa pagkakataong lumaban para sa world title sa featherweight division.


Matatandaang tinalo ni Martin si Picasso sa pamamagitan ng split decision sa undercard ng laban nina Canelo Alvarez at Christian Mbilli.
Dahil dito, nananatiling walang talo ang tubong Ifugao na si Martin sa 29 na laban, kabilang ang 21 knockout victories.


Bukas din ang Pilipinong boksingero sa posibilidad ng rematch kay Picasso matapos hilingin ng Mexican fighter ang ikalawang paghaharap.

Samantala, ayon sa kanyang ama at trainer na si Abel Martin, magpapahinga muna ng isang buwan si Carl James bago muling sumailalim sa regular na pagsasanay habang hinihintay ang kumpirmasyon ng kanyang susunod na laban.