Matapos ang halos apat na taong paghahanap, muling nakasama ng isang lalaki ang kaniyang pamilya sa Pangasinan matapos siyang matagpuan sa Itogon, Benguet.
Ayon sa Itogon Municipal Police Station, nakita ang lalaki na naglalakad nang walang damit sa Poblacion, Itogon noong Nobyembre 4, 2026.
Agad siyang tinulungan ng concerned citizen na si Genebert Cornel Carantes na nagbigay sa kaniya ng damit at pagkain bago humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Nakilala ng lalaki ang sarili bilang alyas “Wigte.” Sa isinagawang online search ng mga pulis, natagpuan ang isang Facebook post noong Enero 18, 2023 tungkol sa nawawalang lalaki mula Barangay Imbo, Anda, Pangasinan.
Sumailalim siya sa medical checkup at nakipag-ugnayan ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD) para sa kaukulang tulong.
Noong Nobyembre 5, dumating sa Itogon ang kaniyang pamilya kasama ang mga opisyal ng Barangay Imbo at positibong kinilala siya bilang kanilang nawawalang kaanak.
Sa pamamagitan ng koordinasyon ng pulisya, social welfare personnel at mga opisyal ng barangay, ligtas na naihatid si Wigte sa kaniyang pamilya matapos ang halos apat na taong pagkakawalay.











