Naniniwala ang isang abogado na hindi lahat ng kapangyarihan ng Senado ay nakasaad sa batas at iginiit niyang may mga kapangyarihang maaaring gamitin batay sa umiiral na awtoridad ng institusyon.
Ito ay kasunod ng pahayag ng ilang abogado na umano’y walang legal na batayan ang “protective custody” na ibinigay kay Ronald dela Rosa noong nakaraang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Francis Camtugan, isang kilalang at outspoken na human rights lawyer, sinabi niyang hindi naman lahat ng kapangyarihan ng Senado ay tahasang nakalagay sa Konstitusyon. Ayon sa kanya, mas malinaw na nakasaad sa Saligang Batas ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng Senado at ng Kongreso.
Binigyang halimbawa niya ang pagbabawal sa pagpasa ng mga batas na lumalabag sa freedom of speech, establishment of religion, at iba pang karapatang nakapaloob sa Konstitusyon.
Aniya, maaaring magsagawa ang Senado ng mga hakbang tulad ng pagbibigay ng protective custody sa isang senador, at nangyari na rin umano ito noong panahon ni Franklin Drilon bilang Senate President.











