BAGUIO CITY- Pinaghahandaan na ng mga organizer ang nalalapit na athletics competition ng Baguio-Benguet Educational Athletic League (BBEAL) Season 36 na gaganapin sa Wangal Sports Complex sa La Trinidad, Benguet mula Hunyo 12 hanggang 14 ngayong taon.
Ililipat ang venue ng kompetisyon sa Benguet Sports Complex dahil kasalukuyang sumasailalim sa malawakang rehabilitasyon ang Baguio Athletic Bowl, na karaniwang ginagamit para sa mga palaro sa athletics sa lungsod.
Ayon kay Dr. Danny Cong-o, miyembro ng BBEAL Technical Board at Athletic Director ng University of the Cordilleras, tuloy ang nakatakdang palaro sa athletics na idaraos sa Wangal Sports Complex.
“As scheduled ang BBEAL Athletics, June 12 & 14 at Wangal Sports Complex.” ani ni Cong-o sa isang social media post.
Kinumpirma rin ni Jonel Sakiban, Athletic Director ng University of Baguio, na matutuloy ang athletics events ng liga.
Sa kanyang social media post, pinabulaanan niya ang lumabas na ulat sa isang lokal na pahayagan na nagsasabing hindi matutuloy ang athletics competition, dahil maaari umano itong magdulot ng kalituhan sa mga atleta at iba pang kasapi ng BBEAL community.
“Tuloy po ang 36th Season BBEAL Season 36 Athletics sa June 12 and 14, 2026 sa Wangal Sports Complex. This article will confuse the BBEAL community.” dagdag ni Sakiban.











