Inamin ni Judy Awingan Justo, kinatawan ng Mountain Province, na nakakaramdam siya ng kaunting pressure sa nalalapit na Miss Celebrity International Philippines dahil hindi lamang ang Mountain Province ang kanyang kinakatawan kundi maging ang buong rehiyon ng Cordillera, bilang siya lamang ang nag-iisang representante nito sa kompetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Justo na mabigat ang responsibilidad na kanyang hinaharap. Gayunman, higit niyang nararamdaman ang pasasalamat dahil nabigyan siya ng pagkakataong katawanin ang kanyang lalawigan at ang buong rehiyon.
Kasabay nito, tiniyak ni Justo na pagbubutihin niya ang kanyang pagganap para sa karangalan ng Mountain Province at ng Cordillera.
Ipinaliwanag niya na hindi siya ang unang napiling kumatawan sa probinsya sa nasabing kompetisyon. Ayon sa kanya, may nauna nang napili ngunit nagpasya itong magbitiw dahil sa personal na kadahilanan at siya ang nilapitan upang pumalit. Dahil dito, masaya si Justo at nagpapasalamat sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya, dahilan upang tanggapin niya ang oportunidad na sumali sa patimpalak.
Aniya, malaki ang kahalagahan ng kanyang pagsali sa kompetisyon dahil isa itong pagkakataon upang maipakilala sa mas maraming tao ang kultura at tradisyon ng Cordillera at Mountain Province. Nais din niyang ipakita sa buong mundo na maraming kuwento at natatanging maiaalok ang kanilang rehiyon.
Ang adbokasiya ni Justo ay ang pagkakaroon ng mas accessible na healthcare para sa mga Indigenous Peoples. Bilang isang medical student na lumaki sa Sagada, nasaksihan niya ang realidad ng mga taong hindi agad nakakakuha ng serbisyong pangkalusugan dahil sa kakulangan sa pananalapi. Kaugnay nito, plano niyang magsagawa ng medical mission sa Sagada ngayong Hulyo sa tulong ng lokal na pamahalaan at ilang sponsor.
Isa sa mga hamong kanyang kinakaharap sa kasalukuyan ay ang self-doubt. Gayunpaman, aniya, nalalampasan niya ito sa pamamagitan ng suporta ng mga taong nakapaligid sa kanya, na nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob upang magpatuloy at maging matatag.
Ibinahagi rin niya na ang kanyang pamilya ang pangunahing inspirasyon upang ipagpatuloy ang laban sa kompetisyon. Aniya, mula pa noong unang araw ay nariyan na ang kanilang buong suporta at hindi nila siya kailanman pinanghinaan ng loob. Bukod sa kanyang pamilya, malaki rin ang naitutulong ng kanyang mga kaibigan at iba pang sumusuporta sa kanya.
Nang tanungin kung naniniwala siyang maiuuwi niya ang korona sa darating na Miss Celebrity International Philippines, sinabi ni Justo na kailangan niyang maging kumpiyansa dahil hindi lamang niya dala ang kanyang sarili kundi pati ang buong Mountain Province at ang buong rehiyon ng Cordillera. Naniniwala siyang sa tulong at suporta ng kanyang mga kakailyan, may malaking posibilidad na maiuwi niya ang korona.










