Baguio City – Nagpapahayag ng hinaing ang mga taxi driver sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na labis nakakaapekto sa kanilang araw-araw na kita at kabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Romeo Vicente, isang taxi driver, maituturing nilang “bloody crisis” ang kasalukuyang sitwasyon para sa kanilang hanapbuhay. Dahil sa taas ng presyo ng gasolina, napipilitan silang mag-abono sa kanilang kita.
“Namnamaen mi nga adda iyawid mi, ngem bigla nga ngumato iti presyo ti gasolina, isu nga abonado kami pay,” ani Vicente.
Sa kasalukuyan, nasa pagitan ng P125 hanggang P132 ang presyo ng diesel, dahilan upang lalo pang lumiit ang kanilang kita. May ilang driver na ang pinipiling hindi na bumiyahe o lumipat na lamang sa ibang trabaho tulad ng construction.
Ipinunto rin niya na bagama’t may mga panukala ang pamahalaan upang mabawasan ang konsumo ng langis, nagdudulot naman ito ng kakaunting pasahero dahil nagtitipid ang mga tao at iniiwasan ang pagsakay ng taxi.
Samantala, may pangako umano ng subsidiya para sa mga taxi driver, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na tulong mula sa lokal na pamahalaan. Kaya panawagan ng mga driver sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sana’y direktang mapunta sa kanila ang tulong at hindi sa mga operator.
“Ti operator ket adda met sarili da nga liquid and we are the liquid, we are the provider of their own liquid,” paliwanag ni Vicente.
Hinihikayat nila ang lokal na pamahalaan na agarang kumilos at magbigay ng tulong, sa halip na hintayin pang lumapit ang mga driver. “Makita da met dayta. They feel it, they see it. They have to take action,” giit niya.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin, umaasa ang mga taxi driver na mabibigyan sila ng agarang tulong upang maibsan ang hirap sa kanilang kabuhayan. | via Althea Lopez, Bombo Local News Correspondent











