BAGUIO CITY – Ipinagmalaki ni One Championship Bantamweight fighter Jeremy Pacatiw ang magandang kondisyon nito ilang araw bago a nakatakdang laban nito kontra kay Chinese striker Wang Shou na magaganap sa Bangkok, Thailand sa Abril sais.
Ayon pa sa Cordilleran wushu standout, gigil na itong makabalik sa ibabaw ng octagon matapos ang mahigit isang taon na lay-off sa Mixed Martial Arts (MMA).
Mahigpit nilang pinag-aralan ang galaw at istilo ng kanyang kalaban kaya lalo pa nilang tinutukan ang kanyang conditioning at strengthening para hindi ito mawalan ng hangin sa loob ng 3 rounds na laban.
Ayon pa sa Igorot striker, napakalaking tulong sa kanyang training camp ang kanyang mga ka team mate sa Lions Nation MMA dahil sa mga former world mma champions ang kasama niya sa ensayo tulad nila Honorio Banario, Kevin Belingon at current One Strawweight Champion na si Joshua Pacio.
Magsisilbing cornerman at head coach ni Pacatiw sa kanyang laban si former two time One Lightweight World Champion Eduard Folayang.
Sa ngayon wala naman problema si Pacatiw sa pagbabawas ng timbang para maabot ang 145 lbs weight limit at inaasahang lilipad sila sa Thailand sa susunod na linggo.
Huling lumaban ang pinoy fighter noong Disyembre 3, 2022 kung saan nanalo ito via Triangle Choke laban kay Tial Thang ng Myanmar.