--Ads--

Naaawa umano si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon dahil sa mga hamong kinakaharap nito sa pagpapatupad ng mga reporma sa ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Magalong na ginagawa ni Dizon ang lahat upang maipatupad nang maayos ang mga programa sa imprastraktura sa buong bansa.

Ayon sa alkalde, inaasahan ng publiko na agad na magsampa ng kaso laban sa mga sangkot sa korapsyon ang kalihim ng DPWH. Gayunman, iginiit niyang hindi iyon ang pangunahing tungkulin ni Dizon. Aniya, nakatuon ang kalihim sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, kaya malaking hamon din ang kanyang kinakaharap.

Ibinahagi rin ni Magalong na nakararanas ng pagkadismaya si Dizon dahil maraming proyekto ang hindi natutuloy sa bidding. Aniya, dati ay maraming contractor ang sumasali sa bidding dahil umano sa mga overpricing at “under-the-table” arrangements. Ngunit sa pamumuno ni Dizon, sinabi niyang inalis ang mga ganitong sistema kaya marami na umanong dating aktibong bidder ang nag-aatubiling lumahok dahil wala na silang kasiguruhan na makikinabang sa iligal na paraan.

Binanggit din ni Magalong na maging ang ilang mambabatas na umano’y sangkot sa mga anomalya ay tila nananahimik na sa ngayon, bagay na aniya’y isa rin sa mga hamon sa pagpapatupad ng mga reporma.

Samantala, sinabi ni Magalong na sa unang pagkakataon mula nang maupo siyang alkalde ng Baguio City ay ngayon lamang niya naramdaman ang buong suporta ng DPWH. Ayon sa kanya, noong mga nakaraang administrasyon, ang mga regional director at district engineer ay nakikipag-ugnayan lamang umano sa kongresista at hindi sa lokal na pamahalaan.

Aniya, madalas ay wala siyang kaalaman sa mga ipinatutupad na proyekto sa lungsod, at marami sa mga ito ang hindi umano nakaayon sa Development Master Plan at Local Investment Plan ng Baguio City.

Naniniwala si Magalong na may mga proyektong hindi isinagawa para sa kapakanan ng publiko kundi para lamang pagkakitaan.

“Ang intensyon ay hindi naman para gumawa ng proyekto para sa kabutihan ng bayan o constituents. Gumagawa sila ng proyekto para pagkakaperahan. Ganoon kakapal ang kanilang mukha.”

Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Dagdag pa niya, madalas umanong hindi inaaprubahan noon ang mga kahilingan ng lokal na pamahalaan dahil tila ayaw umanong magtagumpay ang city government sa mga programa nito.

Sinabi rin ni Magalong na ngayon lamang niya naranasang dumalo ang mga opisyal ng DPWH sa mga pulong ng lokal na pamahalaan upang makipag-ugnayan sa city government.

Inihayag din niya na ipinagpapatuloy niya ang paghahain ng mga reklamo laban sa ilang dating opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa mga anomalya at naniniwala siyang dapat silang managot at makulong.

Bagama’t nagkaroon na ng pagbabago sa pamunuan ng DPWH sa rehiyon, sinabi ni Magalong na dapat magsalita ang mga dating opisyal at isiwalat kung gaano kalalaking halaga ang umano’y ibinibigay ng mga dating mambabatas na kanilang nakatrabaho o mga naging kasabwat sa mga iregularidad.