Karamihan sa mga dumalo sa public consultation kahapon, April 8, 2026, sa Barangay Irisan, Baguio City ay sumang-ayon sa “temporary fare increase” o pansamantalang pagtaas ng pamasahe ng P20 upang matulungan ang mga commuter sa kanilang pagbiyahe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Arthur Carlos, Kapitan ng Barangay Irisan, mula sa humigit-kumulang 50 kalahok, karamihan ang pumabor, ngunit iginiit nilang pansamantala lamang ang hakbang bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kinilala rin sa konsultasyon ng mga driver at operator ang hirap na nararanasan ng mga commuters. Ibinahagi ni Kapitan Carlos na umapela rin siya sa mga jeepney associations na ilabas ang kanilang mga pampasaherong sasakyan upang makatulong sa publiko.
Sa monitoring, naobserbahan ng opisyal ang mahahabang pila, lalo na sa ngayon, na nagpapakita ng patuloy na pangangailangan sa transportasyon.
Samantala, naapektuhan din ang turismo sa Barangay Irisan dahil bumaba ang bilang ng mga bumibisita sa lugar.











