For Image Representation Only
--Ads--

Nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Mountain Province sa mga pamilya ng pitong indibidwal na nasawi dahil sa umano’y gas poisoning sa isang tunnel portal sa Barangay Ampucao, Itogon, Benguet, kahapon, Setyembre 30.

Anim kasi sa mga nasawi ay residente ng Bana-ao, Tadian, Mountain Province, habang ang isa ay mula sa Cagayan Valley.

Kinilala ang mga biktima mula sa Tadian na sina Bryan Campoas Madrid, 18-anyos; Kenjie Igaan Mangayen, 19-anyos; Orviel Kiwingan Valdez, 22-anyos; Crisanto Igaan Gapacan Jr., 19-anyos; Hill Limong Padon, 25-anyos; at Alvin Lazaro Daniel, 21-anyos.

Ang ikapitong biktima naman ay kinilalang si Leonardo Bacuteng Pino, 62-anyos, na nagmula sa Cagayan Valley.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Mountain Province, isang testigo ang nagpaalam sa mga awtoridad hinggil sa insidente sa nasabing tunnel portal.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad at matagumpay na narekober ang mga katawan ng pitong biktima. Gayunman, wala na silang buhay nang matagpuan ng rescue team.

Samantala, hinihintay pa ang karagdagang detalye mula sa mga awtoridad ng Itogon, Benguet kaugnay ng nasabing insidente.

Nakikiramay ang Bombo Radyo sa mga pamilya’t kaibigan nga iniwan ng mga biktima.