--Ads--

BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang paglalaan ng Quick Response Fund kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa Baguio City, dahil isa ito sa mga pangunahing urban areas sa Northern Luzon na naapektuhan ng umiiral na kondisyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CDRRMO Head Engr. Charles Carame na matapos aprubahan ng City Council ang kanilang rekomendasyon na isailalim sa state of calamity ang lungsod, maaari nang magamit ang Quick Response Fund alinsunod sa national declaration ng state of emergency upang makatulong sa mga apektadong sektor na may kinalaman sa national concern.

Ayon pa kay Carame, 30% ng Disaster Risk Reduction and Management Fund ay nakalaan bilang Quick Response Fund, na tinatayang umaabot sa P40 milyon hanggang P50 milyon, na magsisilbing reserba para sa mga emergency situations tulad ng kasalukuyan.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi agad-agad gagamitin ang buong pondo ngayong taon.

Aniya, posibleng umabot lamang sa P10 milyon ang gagamiting pondo sa ngayon.

Inihayag din ni Engr. Carame na sinimulan na nilang tutukan ang transport sector, na kabilang sa mga pinakaapektado, sa pamamagitan ng pagbibigay ng financial assistance, at inaasahang magpapatuloy pa ang naturang tulong.

Bukod sa sektor ng transportasyon, inaasahan ding mabibigyan ng tulong ang iba pang apektadong kabuhayan sa lungsod, kabilang ang turismo at accommodation establishment, lalo na kung lalala pa ang epekto ng kasalukuyang krisis.

Matatandaan na nauna nang inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na bumaba ng 50% ang tourist arrivals sa lungsod bunsod ng mataas na presyo ng petrolyo.

Samantala, ayon sa Hotel and Restaurant Association of Baguio, nabawasan din ang bilang ng working days ng ilang empleyado ng mga hotel dahil sa pagbaba ng accommodation rate.