--Ads--

Kinumpirma ni PLTCOL Apldilon C. Galong, hepe ng Police Community Affairs and Development Unit ng Natonin Municipal Police Station, na natukoy na nila ang mga umanoโ€™y sangkot sa pagkamatay ng isang 3-anyos na batang babae sa Natonin, Mountain Province nitong linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Galong, sinabi nitong dalawang batang lalaki na edad 12 at 8 ang itinuturong suspek sa insidente.
Gayunman, hindi na nito idinetalye ang kabuuang pangyayari kung paano humantong sa pagkamatay ang insidente.

Ayon pa kay Galong, isinangguni na nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kaso dahil kapwa menor de edad ang mga sangkot.

Ipinaliwanag din niya na maaaring hindi makulong ang dalawang bata dahil saklaw sila ng Juvenile Justice and Welfare Act, kung saan criminally exempted ang mga batang may edad 15 pababa na offender.

Matatandaang unang iniulat ng Natonin Municipal Police Station na natagpuan ang bangkay ng batang biktima sa likod ng St. Martin de Porres Chapel sa Sitio Batnong, Banawel.

Ayon kay Galong, nasa pangangalaga ng kanyang mga lolo at lola ang biktima habang nagbabakasyon sa Natonin.
Noong Mayo 23, dumalo umano ang pamilya sa isang Barangay Homecoming sa Sitio Batnong.

Pagsapit ng hapon ay napansin nilang nawawala ang bata kaya agad itong hinanap ng kanyang lolo’t lola. Nang hindi nila ito matagpuan, agad tumungo ang lolo nito para iulat sa awtoridad ang pagkawala ng kanilang apo.

Nagsagawa naman ng search operation ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga residente ng komunidad hanggang madaling araw, ngunit hindi nila nakita ang biktima.

Kinabukasan, Mayo 24, natagpuan ang bata sa likod ng St. Martin de Porres Chapel na wala nang buhay.

Dinala pa ito sa Anastacia Rafael Sagel Memorial Hospital sa Poblacion, Natonin, Mountain Province ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dra. Mari Rose Tocuboy dahil sa traumatic brain injury.

Samantala, sinabi ni Natonin Mayor Jose Tiago Agagon na isinailalim na sa autopsy ang labi ng bata sa Tabuk City, Kalinga, at hinihintay pa ang opisyal na resulta nito. //bombokaren.c.sapirao