
Naging matagumpay ang isinagawang Women’s Health Fair para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s nitong ika-24 ng Marso 2026 sa CDRRMM Building sa Baguio City.
Pinangunahan ng City Camp Health Center ang naturang aktibidad sa pakikipagtulungan ng mga Barangay Health Workers, Baguio Bulacan Nobel Eagles Sodality, Baguio Mabikas Kamandag Eagles Club, at Baguio Mabikas Kamandag Lady Eagles Club.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, umabot sa tinatayang 80 kababaihan ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong pangkalusugan na layuning mapalawak ang kaalaman at mapangalagaan ang kalusugan ng kababaihan sa komunidad.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ay dental check-up, blood pressure monitoring, HIV testing, Pap smear, pamamahagi ng mga gamot, at food packs.
Ayon sa mga organizer, mahalaga ang ganitong mga programa upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga nangangailangan, lalo na sa mga kababaihang kabilang sa 4P’s.
Ipinahayag din ang patuloy na suporta ng mga katuwang na organisasyon sa mga gawaing naglalayong magtaguyod ng kalusugan at kapakanan ng komunidad.
Sa temang “Unity in Service, Honor in Leadership,” muling pinatunayan ng mga kalahok at organizers ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod.










