BAGUIO CITY– Nabiktima ng estafa ang isang babae sa loob mismo ng College of Arts Sciences sa Benguet State University (BSU) sa La Trinidad, Benguet.
Nakilala ang biktima na si Joyritz Udani Delo Santos, 28 anyos at residente ng Magnolia St., San Luis, Baguio City habang ang suspek ay nagpakilala lamang na isang staff ng Pangasinan State University at nasa BSU para sa isang seminar.
Batay sa report, nagpakilala ang suspek na isang online purchaser ng laptop na ibinibenta ng biktima na nagkakahalaga ng P45,000.
Dahil dito ay nagkita ang dalawa sa nasabing paaralan para sa nasabing laptop.
Agad namang ibinigay ng biktima ang laptop nito at sinabi sa kanya ng suspek na babalik ito makaraan niyang i-check ang nasabing laptop ngunit hindi na ito bumalik kung kayat agad namang nagreklamo ang biktima sa himpilan ng pulisya.