Nagresulta sa pag-aresto sa 40 indibidwal na may outstanding warrants at sa pagtatala ng zero crime incidents sa 60 munisipalidad sa buong rehiyon ang isang linggong pinaigting na anti-criminality campaign ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) mula Enero 18 hanggang 24, 2026.
Ayon sa ulat, ang Baguio City Police Office (CPO), Abra Police Provincial Office (PPO), at Benguet PPO ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga naaresto, na may siyam na wanted persons bawat isa. Sinundan ito ng Ifugao PPO at Kalinga PPO na may tig-apat, Mountain Province PPO na may tatlo, at tig-iisang arestuhin mula sa Regional Headquarters at Apayao PPO.
Sa kabuuang bilang ng naaresto, tatlo ang inuri bilang Most Wanted Persons—dalawa sa provincial level at isa sa regional level.
Malaki rin ang naging epekto ng pinaigting na patrolya at mataas na police visibility sa pagpapanatili ng kaayusan. Nagtala ng zero crime incidents ang 60 munisipalidad at tatlong police stations sa ilalim ng Baguio CPO, kabilang ang:
-24 munisipalidad sa Abra
-Tig-siyam sa Ifugao at Mountain Province
-Pitong munisipalidad sa Benguet
-Anim sa Kalinga
-Limang munisipalidad sa Apayao
Kasama rin ang PS 5, PS 6, at PS 8 ng Baguio CPO, na nagtala rin ng zero crime incidents.
Ipinakita ng PRO CAR ang kahusayan sa pagpapatakbo sa pamamagitan ng 80.70% clearance rate at 78.95% crime solution efficiency, na nagpapatunay sa matatag nitong pangako sa kaligtasan at seguridad ng publiko sa rehiyon.
Itinatampok ng kampanya ang dedikasyon ng PRO CAR sa paghatid ng de-kalidad na serbisyo ng pulisya at sa pagprotekta sa mamamayan ng Cordillera. Sa pamamagitan ng sustained law enforcement operations, proactive policing strategies, at pinalakas na pakikipagtulungan sa mga local government units at community stakeholders, patuloy nitong itinataguyod ang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon.











