--Ads--

Kinumpirma ni Barangay Captain Angelina Ramos ng Barangay Camp 7, Baguio City na may nagaganap na ilegal na pagmimina sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ramos na nakatanggap ang barangay ng mga reklamo mula sa mga residente kaugnay ng nasabing aktibidad. Ayon sa kanila, may mga pagkakataong nakaririnig sila ng mga pagsabog, subalit hindi nila matukoy ang pinanggagalingan nito dahil posibleng isinasagawa ang pagmimina tuwing gabi.

Dagdag pa ng kapitan, labag sa batas ang isinasagawang mining operations dahil wala itong kaukulang permit. Natuklasan ang ilegal na minahan sa zigzag section ng Kennon Road, na umano’y pinatatakbo ng mga small-scale miners. Pinayuhan na ng barangay ang mga ito na itigil ang kanilang operasyon, ngunit sa kabila ng mga petisyon ng mga residente, patuloy pa rin umano ang ilegal na pagmimina.

Ayon kay Ramos, pakikinggan muna ng barangay ang hinaing ng mga residente bago ito iakyat sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at sa Konseho ng Lungsod.

Una nang kinumpirma ng Department of Public Works and Highways–Baguio (DPWH-Baguio) na nadiskubre nila ang isang mine tunnel sa lugar. Batay sa imbestigasyon ng ahensya, posibleng gawa rin ito ng ilang small-scale miners. Dahil dito, pinalawak ang saklaw ng pagsasaayos ng kalsada bilang bahagi ng mga mitigating measures na ipinatutupad ng DPWH-Baguio bunsod ng tinatawag na “collapsed adit” sa Kennon Road. Naglagay na rin sila ng embankment upang maayos ang nasirang bahagi, ngunit sa patuloy na validation at imbestigasyon, lumalabas na may iba pang tunnel na nadiskubre na may kaugnayan sa pagmimina.

Samantala, nilinaw ng (MGB) na hindi sinkhole ang insidente kundi isang “collapsed adit” na sanhi ng small-scale o underground mining. Ipinaliwanag ni Raymanne Mabazza, Supervising Geologist ng MGB-Cordillera, na ang lugar ay hindi underlain ng limestone.

Ayon naman kay Jethro C. Panganiban, Supervising Geologist ng MGB–CAR, may naitala nang small-scale mining activity sa lugar mula pa noong 2019. Ito ay nakumpirma matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagkakaroon ng mga small-scale adits sa nasabing area.

Dahil dito, nag-isyu ang City Mining and Regulatory Board ng stoppage order at cease and desist order laban sa mga small-scale miners at ipinatupad ang kanilang pagpapaalis sa lugar.

Gayunman, sa isinagawang inspeksyon, natuklasan na mayroon nang umiiral na mga adit sa ilalim ng lupa. Batay sa mga panayam, may malapit ding drainage system sa lugar na posibleng nakaapekto sa pagsubsidence ng kalsada.

Iminungkahi rin ang pagsasagawa ng mas detalyadong pag-aaral, kabilang ang pagtukoy kung gaano kalawak ang naaabot ng mga butas o adit. Sa kasalukuyan, may mga survey team na nagsasagawa ng assessment sa lugar, at posibleng maisumite ang resulta sa DPWH upang mas maayos na maplano kung ano ang nararapat na hakbang na gawin. | via Bombo NewsTeam