BANGUED, Abra – Patay ang isang kapitan ng barangay at kanyang pamangkin habang tatlo pa ang nasugatan matapos silang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga armado sa kahabaan ng Calaba Bridge, Barangay Calaba, Bangued, Abra, pasado alas-6 ng gabi noong Martes, Pebrero 24, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Ezequiel Castañeda Parado, 35-anyos, kapitan ng barangay Collago sa Lagayan, Abra at ang kanyang pamangkin na si Arlene Dorias, kapwa residente ng nasabing barangay.
Sugatan naman ang asawa ng kapitan na si Ailyn S. Parado, kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Lagayan; Edron Salingbay; at Jaypee Soliba Cagayan, 38-anyos, magsasaka at residente rin ng nasabing lugar. Batay sa ulat ng pulisya, nakatanggap ng tawag sa cellphone ang duty MTOC ng Bangued Municipal Police Station (MPS) mula sa PTOC hinggil sa nangyaring insidente ng pamamaril sa naturang lugar.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bangued MPS. Sa pagdating ng mga awtoridad, nauna nang naitakbo sa Abra Provincial Hospital ang apat sa mga biktima para sa agarang gamutan sa tulong ng mga tauhan ng Dolores MPS na nagkataong napadaan sa lugar.
Gayunman, binawian ng buhay si Parado at ang kanyang pamangkin habang ginagamot sa pagamutan. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na sakay ng isang dark blue na Toyota Fortuner sina Ezequiel at Ailyn Parado, habang nakasunod naman sa isang green Nissan Frontier ang tatlo pa nilang kasama.
Habang tinatawid ng convoy ang tulay patungong Barangay Mudeng sa bayan ng La Paz, bigla silang pinagbabaril ng mga suspek na sakay umano ng isang puting pickup truck. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga responsable sa krimen.











