--Ads--

Laoag City — Ipinag-utos ni Laoag City Mayor James Bryan Q. Alcid ang agarang imbestigasyon kaugnay sa kumakalat na viral video na umano’y nagpapakita ng karahasan na kinasasangkutan ng isang dating opisyal ng barangay at ilang manggagawa ng isang construction firm sa lungsod.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ng alkalde na nakarating na sa kanyang tanggapan ang mga ulat tungkol sa nasabing video na lumalaganap sa social media.

Ayon sa inisyal na impormasyon, ang indibidwal sa video ay kinilalang dating Punong Barangay, habang ang iba naman ay sinasabing mga laborer o manggagawa.

Bilang punong ehekutibo ng lungsod na nangangasiwa sa kapayapaan at kaayusan, agad niyang inatasan ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod na magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Inatasan din niya itong sundin ang lahat ng kinakailangang proseso upang makabuo ng komprehensibong ulat at agad na isumite ito sa kanyang tanggapan.

Binigyang-diin ng alkalde na ang nasasangkot sa insidente ay isa nang dating Punong Barangay matapos itong magbitiw sa tungkulin noong nakaraang taon. Tiniyak din niya sa publiko na ang insidente ay daraan sa wastong legal na proseso.

Mariin niyang iginiit na hindi niya kinukunsinti ang anumang uri ng karahasan mula kaninuman laban sa sinuman. Patuloy ring babantayan ng alkalde ang pag-usad ng imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan at hustisya sa nasabing insidente.