Ibinahagi ng isang opisyal na nang bumaba nang bahagya ang presyo ng gasolina sa Lungsod ng Baguio noong nakaraang linggo, kasabay rin nitong dumami ang bilang ng mga turista.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Edith Aspilan, Acting Chief Tourist Police Officer ng Baguio City Police Office, sinabi niyang napansin ang pagdagsa ng tao lalo na noong isinagawa ang “Mangan Taku” sa Rose Garden, Burnham Park.
Bagama’t inaasahan ng kanilang tanggapan ang patuloy na pagdami ng mga turista ngayong summer season, sinabi ni Police Captain Aspilan na nauunawaan nila kung may mga pagkakataong bumababa ang bilang dahil sa kasalukuyang krisis sa langis.
Batay sa obserbasyon at monitoring ng kanilang opisina, mas marami ang dumadayong bisita sa Burnham Park kumpara sa iba pang pasyalan sa lungsod.
Ibinahagi rin niya na kabilang sa mga pangunahing binabantayan ng Tourist Police Office ang malalaking pasyalan tulad ng Burnham Park, Botanical Garden, Mines View Park, at Wright Park. Samantala, binabantayan naman ng BCPO Station 8 ang Lion’s Head; BCPO Station 2 ang Stone Kingdom; BCPO Station 9 ang Dragon Castle; at BCPO Station 1 ang Mirador Park.
Ayon sa opisyal, napapansin din na hindi na kasing bigat ng dati ang daloy ng trapiko patungo sa mga nabanggit na pasyalan, kumpara noong mas mataas pa ang presyo ng gasolina at halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan.
Sa huli, muling nagpaalala ang opisyal sa mga turista at residente na panatilihin ang tamang pagtatapon ng basura sa Lungsod ng Baguio.











