--Ads--

Inihayag ni Marie Rose Fongwan-Kepes, Bise Gobernador ng lalawigan ng Benguet, na malaki ang epekto ng krisis sa langis sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niyang napansin nilang wala nang mga kliyente pagsapit ng alas-5:00 ng hapon kahit hanggang alas-7:00 ng gabi ang kanilang pasok dahil sa ipinatutupad na 4-day work week ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet at maging sa iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa kanya, naging limitado rin ang mga aktibidad at pansamantalang isinantabi ang malalaking programa. May ilang barangay na hindi na nagsagawa ng festival, habang may mga munisipyo naman na hindi itinuloy ang kanilang selebrasyon, kabilang ang festival sa Kabayan na inilarawan niyang isa sa pinakamagandang festival sa lalawigan.

Iginiit niya na maraming aktibidad ang nakansela at sa halip ay inilaan na lamang ang pondo upang makatulong sa mga mamamayan ng Benguet.

Samantala, ipinabatid ni Fongwan-Kepes na isasagawa sa Lunes ang Farmers and Fisherfolks Day sa Benguet, kung saan pansamantalang uupo ang ilan bilang gobernador, bise gobernador, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Umaasa siya na sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga ito na mamuno sa loob ng isang araw ay makabubuo sila ng mga hakbang upang lalo pang mapalakas ang sektor ng mga magsasaka sa Benguet.