Nagtipon sa Melvin Jones Grounds sa Baguio City ang tinatayang walo hanggang sampung libong miyembro ng Muslim community para sa Salatul Eid’l Adha o congregational prayer bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong Miyerkules, Mayo 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Imam Shams Maba Monib, presidente ng Muslim Community Baguio-Benguet, sinabi niyang ang Eid’l Adha ay pag-alala sa sakripisyo, pagsunod, at matibay na pananampalataya ni Propeta Abraham sa Allah. Kabilang din sa pagdiriwang ang panalangin, pagbabahagi ng pagkain, at pagtulong sa kapwa.
Ayon pa kay Imam Monib, tatlong araw gaganapin ang pagdiriwang ngayong taon—mula Miyerkules hanggang Biyernes—na nakalaan para sa panalangin, pagtitipon, at pagpapalalim ng pananampalataya.
Nagbigay rin siya ng mensahe sa Muslim community na huwag magpadala sa emosyon sa gitna ng iba’t ibang hamon, sa halip ay patuloy na manalangin para sa kapayapaan ng bansa at panghawakan ang matibay na pananampalataya.
Nagpahayag din siya ng reaksyon kaugnay sa mga usapin sa Senado. Aniya, may ilang nasa loob mismo ng institusyon ang dahilan kung bakit nasisira ang imahe nito sa publiko. Dagdag pa niya, sila rin ang nagdudulot ng pagdududa at pagbaba ng tiwala ng mamamayan sa Senado kaya mahalaga pa rin ang pananagutan, pagkakaisa, at paninindigan sa katotohanan.| via Bombo Khey Reparip










