--Ads--

Kibungan, Benguet — Kinumpirma ni Kibungan Mayor Agustin Tello na may ilang mga opisyal at pastor na umano’y kabilang sa mga nagtatanim o sangkot sa marijuana cultivation sa bayan.

Ayon sa alkalde, itinuturing na pangunahing pinagmumulan ng marijuana cultivation ang Kibungan, partikular sa mga barangay ng Tacadang, Badeo, at Sagubo, gayundin sa ilang karatig na lugar sa Kapangan at Bakun.

Dahil dito, mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa ilegal na droga upang masugpo ang patuloy na pagtatanim. Giit ni Tello, kung hindi ito mapipigilan, maaari itong maging pangunahing kabuhayan sa ilang komunidad at magdulot ng negatibong epekto sa kabataan at susunod na henerasyon.

Bilang tugon, ipinatutupad ng LGU ang kombinasyon ng “soft approach” at “hard approach.” Kabilang sa soft approach ang information campaign, pakikipag-ugnayan sa mga residente at opisyal, at boluntaryong pagbubunot ng mga tanim. Samantala, ang hard approach ay kinabibilangan ng operasyon at pag-aresto sa mga cultivator at may-ari ng lupa na umano’y ginagamit sa pagtatanim ng marijuana.

Aminado rin ang alkalde na may mga naririnig siyang ulat kaugnay sa insidente ngunit hindi umano siya nababahala, bagama’t binigyang-diin niya na mas nakababahala ang umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal at pastor.

Giit pa niya, hindi maituturing na “God-fearing” ang isang indibidwal kung ito ay lumalabag sa batas, at idinagdag na hindi kahirapan ang pangunahing dahilan ng ilegal na gawain kundi ang kasakiman sa pera.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang LGU sa mga bayan ng Santol at Sugpon sa La Union upang palakasin pa ang kampanya laban sa marijuana cultivation.

Nauna nang lumagda ang LGU sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Dangerous Drugs Board (DDB), Department of Tourism, at iba pang stakeholders para sa pagpapaunlad ng tourism infrastructure tulad ng tourist centers at view decks, na inaasahang makatutulong sa pagsugpo ng ilegal na pagtatanim.

Target ng lokal na pamahalaan na masimulan ang mga proyekto bago matapos ang 2026. Hinihiling din ng alkalde ang paglalagay ng mga fixed visibility point sa iba’t ibang lugar sa Kibungan upang mas mapalakas ang pagbabantay sa mga apektadong komunidad.

Naniniwala si Tello na hindi sapat ang pagbubunot lamang ng mga tanim kung walang tuloy-tuloy na pagbabantay, at binigyang-diin ang pangangailangan ng presensya ng mga awtoridad sa lugar upang tuluyang masugpo ang problema.

“Hindi ang gobyerno ang mag-aadjust, kundi ang mga lumalabag sa batas,” ani Tello.