Kinumpirma ng Municipal Veterinary Office ng Itogon na mahigit 70 baboy sa Barangay Tuding ang nagpositibo sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Veterinarian II Dr. Franklin Balanban, nagsimula na ang depopulation ng mga alagang baboy ng pitong magbababoy sa mga Sitio Baguio Gold, Yanggacan, at Cupao matapos makumpirmang positibo sa ASF ang mga blood sample na sinuri ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory.
Kabilang sa posibleng pinagmulan ng outbreak ang swill feeding, pagbebenta ng kontaminadong karne ng baboy, paggalaw ng mga magbababoy, kontaminadong ilog, at mga bagay na may virus tulad ng sasakyan at sapatos.
Bilang tugon, nagsagawa ng depopulation at mass disinfection ang lokal na pamahalaan katuwang ang Provincial Veterinary Office.
Nagpalabas din si Mayor Bernard Waclin ng Executive Order No. 38 na naghihigpit sa paggalaw ng mga buhay na baboy at produktong baboy upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.











