--Ads--

BAGUIO CITY – Naghain ng reklamo ang mga magulang ng isang Grade 4 student laban sa isang paaralan sa Baguio City matapos umanong mapalo sa ulo ang kanilang anak habang lunch break noong Hulyo 8, 2026.

Ayon sa mga magulang, hindi umano agad naaksyunan ang insidente at kulang ang safety measures ng paaralan. Personal silang nagtungo sa Department of Education (DepEd) regional office noong Hulyo 13 upang isumite ang medical certificate, pormal na reklamo, at iba pang dokumento kaugnay ng nangyari.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ng mga magulang na posibleng nagmula sa construction site ng paaralan ang ginamit na pamalo ng kalaro ng kanilang anak. Dahil dito, umano itong nahilo at hindi nakapasok sa loob ng ilang araw habang inoobserbahan ang kanyang kondisyon.

Iginiit naman ng mga magulang na hindi totoo ang pahayag na may kaugnayan sa mobile game ang ginawang paglalaro ng dalawang bata. Anila, magkaibigan ang kanilang anak at ang batang nakasama nito sa insidente, ngunit dapat pa ring may managot at masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.

Samantala, ipinaliwanag ng class adviser ng biktima na nalaman niya ang insidente matapos ipaalam ng isang estudyante. Ayon sa nakasaksi, aksidenteng natamaan sa kaliwang bahagi ng tenga ang biktima habang naglalaro ang mga bata.

Agad umanong binigyan ng first aid ang estudyante at naobserbahang “awake, alert, active, and responsive” matapos ang insidente. Nawala rin umano ang hilo nito at hindi na nagsuka hanggang sa matapos ang klase.

Sinabi ng guro na hindi siya agad nakapagbigay ng tugon sa group chat dahil inuna niya ang pag-asikaso sa estudyante. Naipaalam naman umano sa mga magulang ang nangyari nang sunduin nila ang kanilang anak.

Ayon pa sa mga magulang, bagama’t nauunawaan nila ang sitwasyon ng guro, mas seryoso umano ang usapin kapag head injury ang sangkot at kinakailangang agad na ipabatid sa mga magulang ang insidente.

Ikinabahala rin ng mga magulang ang umano’y kakulangan ng safety precautions sa paaralan, kabilang ang pagkakalat ng graba at iba pang construction materials na wala umanong sapat na harang o proteksyon.

Samantala, nagkaroon ng conference ang paaralan at mga magulang noong Hulyo 9. Ipinaliwanag ng officer-in-charge (OIC) na wala itong kapangyarihang magdesisyon sa anumang disciplinary action laban sa guro o estudyante.

Iminungkahi ang panibagong pagpupulong noong Hulyo 13 upang mabigyan ng aksyon ang reklamo, ngunit hindi ito natuloy matapos magdesisyon ang pamilya ng biktima na idulog na lamang ang usapin sa DepEd regional office.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Baguio kay Principal 1 Agnes Lomas-e, sinabi niyang inatasan na niya ang mga guro na paigtingin ang pagbabantay sa mga estudyante tuwing break time. Inirekomenda rin niya na manatili na lamang sa loob ng classroom ang mga mag-aaral tuwing pagkain upang maiwasan ang anumang insidente.

Dagdag pa ng school head, palalakasin nila ang paglalagay ng harang sa mga construction area at mga materyales upang mapataas ang seguridad sa paaralan.

Ayon sa paaralan, nakahanda silang tumulong sa pagpapasailalim ng biktima sa computed tomography (CT) scan at iba pang kinakailangang suporta.

Patuloy namang iimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya ang insidente. | via Bombo Noveh Organo