Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang karapatan ang China na pakialaman ang mga aktibidad ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Teodoro, wala siyang alam sa sinasabing “provisional understanding” ng Manila at Beijing na umano’y nilabag ng Pilipinas dahil sa konstruksyon sa barko. Aniya, hindi dapat nakikialam ang China sa ginagawa ng bansa sa sariling teritoryo.
Tinanggihan din niya ang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na ang umano’y konstruksyon sa BRP Sierra Madre ang dahilan ng paglapit ng Chinese Coast Guard sa barko na nauwi sa komprontasyon noong Hulyo 20.
Sinabi ni Teodoro na walang ebidensiyang iniharap ang China at inakusahan ang Beijing ng paggawa ng mga pahayag upang bigyang-katwiran ang kanilang mga aksyon.
Ayon pa sa kalihim, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pulong kay Jing ang “galit ng sambayanang Pilipino” sa insidente na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Samantala, pinuna ni Teodoro ang paglalabas ng Chinese ambassador ng detalye tungkol sa naturang pagpupulong, na aniya ay hindi dapat ibinahagi sa publiko.
Binigyang-diin ni Teodoro na dapat manatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol ng karapatan nito bilang isang bansang arkipelago, habang patuloy na nakikipagdayalogo sa China batay sa international law, kabilang ang UNCLOS at 2016 South China Sea Arbitral Award.











