BAGUIO CITY – Inihayag ni Baguio City Councilor at Association of Barangay Captains (ABC) President Rocky Aliping na panahon na upang maipasa at maamyendahan ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, partikular ang probisyon ukol sa garbage fee para sa mga residential at commercial establishments.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Aliping, na siya ring may-akda ng ordinansa, sinabi niyang hindi pa ito naamyendahan mula noong 2002 o mahigit 24 na taon na ang nakalipas. Aniya, napapanahon na ang pagbabago upang mas mapabuti ang pamamahala ng solid waste sa lungsod.
Sa final deliberation ng Sangguniang Panlungsod, napagkasunduan ng mga konsehal ang pagpapatupad ng P75 na garbage fee kada household, mas mababa kumpara sa naunang panukalang P160 at sa P100 na resulta ng public consultation.
Mula sa makokolektang bayad, 50% ang mapupunta sa barangay habang ang natitirang 50% ay mapupunta sa pamahalaang lungsod ng Baguio. Ayon kay Aliping, malaking tulong ito dahil umaabot sa P220 milyon ang ginagastos ng lungsod para sa solid waste management, habang humigit-kumulang P30 milyon naman ang ambag ng mga barangay, kaya nasa P250 milyon ang kabuuang gastusin.
Sinabi ni Aliping na tuluyan nang naipasa ang ordinansa at inaasahang pipirmahan ito ni Mayor Benjamin Magalong ngayong buwan.
Samantala, target umano ni Aliping ang 100% collection efficiency. Ipinaliwanag niya na layunin ng ordinansa na bigyang-kapangyarihan ang mga barangay sa pamamagitan ng 50% share mula sa koleksyon na gagamitin para sa kanilang operational expenses.











