--Ads--

BAGUIO CITY — Ipapasailalim ng pamahalaang lungsod sa mandatoryong pagpaparehistro ang lahat ng short-term rental accommodations bago payagang mailista sa mga opisyal na tourism platform upang maprotektahan ang mga turista laban sa panlilinlang at scam.

Sa ilalim ng “no registration, no listing” policy, bawal ang pag-aanunsyo o pag-book ng mga paupahang yunit na walang valid city-issued registration number. Kailangang nakapaskil ang registration number sa lahat ng online listing bilang patunay ng pagsunod sa mga lokal na rekisito.

Ayon kay Councilor Yuri Weygan, bubuo ang lungsod ng Short-Term Rental Registry na magsisilbing opisyal na talaan ng mga rehistradong accommodation at magiging batayan sa pagbibigay ng natatanging registration number.

Ang registry ay magiging bahagi ng VISITA (Visitors Information and Travel Assistant) website ng City Tourism Office. Inaatasan din ang mga digital platform at booking intermediaries na tiyaking rehistrado ang mga accommodation bago payagang mailista.

Isinusulong ang hakbang matapos ang mga ulat ng accommodation scams kung saan may mga turistang nagbayad para sa mga paupahang hindi naman umiiral o hindi tumutugma sa online na paglalarawan.