--Ads--

Nasentensiyahan ng pagkakakulong ang isang lalaki na alyas “Carla,” 27-anyos at miyembro ng LGBTQ+ na residente ng Pasig City, matapos hatulan ng korte na guilty sa kasong murder kaugnay ng pagkamatay ng isang lalaki sa Barangay Fairview, Baguio City.

Sa desisyon ng Regional Trial Court (RTC) ng Baguio City sa isinagawang promulgation of judgment, ipinataw ng korte ang parusang minimum na sampung (10) taon at apat (4) na buwan hanggang maximum na labimpitong (17) taon at apat (4) na buwan na pagkakakulong laban sa akusado.

Matatandaang noong Marso 8, 2028, natagpuan ang bangkay ng 34-anyos na lalaki na alyas “Ariel,” tubong Tacloban City, Leyte at miyembro rin ng LGBTQ+, sa loob ng isang inuupahang tahanan sa Purok 2, Barangay Fairview, Baguio City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon noong Marso 6 nang makaamoy ng hindi kanais-nais na amoy ang isang babaeng nakaupo sa kanyang tindahan na nagmumula sa apartment na inuupahan ng biktima.

Pagsapit naman ng alas-10:00 ng gabi noong Marso 7, muli niyang naamoy ang mabahong amoy mula sa naturang apartment. Dahil ilang araw nang hindi nakikita ang biktima at patuloy ang hindi magandang amoy, iniulat niya ito sa may-ari ng apartment at sa mga opisyal ng barangay.

Bandang alas-3:00 ng hapon noong Marso 8, nagtungo ang dalawang barangay kagawad, ang may-ari ng apartment, at iba pang saksi sa inuupahang silid ng biktima upang alamin ang sitwasyon nito. Binuksan nila ang pinto gamit ang duplicate na susi.

Pagpasok nila sa silid, nakita ang mga bakas ng dugo sa sahig at dingding, gayundin ang matinding amoy sa loob. Natagpuan ang biktima na nakahandusay sa sahig at natatakpan ng mga garbage bag at damit.

Dahil dito, agad silang lumabas at humingi ng tulong sa pulisya.

Ayon kay Police Major Harriet Bulcio, Station Commander ng Baguio City Police Office (BCPO) Station 1, batay sa kanilang circumstantial evidence, natukoy na may kaugnayan ang convicter sa insidente.

Ayon sa testimonya ng isang saksi, nakipag-usap umano ang convicted sa kanila habang hinahanap ang tirahan ng biktima. Na-trace din ng mga awtoridad ang kanilang komunikasyon sa pamamagitan ng Facebook chats.

Lumabas din sa criminal records ng convicted at biktima na pareho silang nakulong at huling nagkasama sa loob ng piitan noong Enero 2026 dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon pa sa isang kapitbahay ng biktima, may nakita siyang hindi pamilyar na indibidwal na naglalakad patungo sa tirahan ng biktima. Isa pang saksi ang nakakita umano sa convicted na nagmamadaling umalis mula sa lugar.

Sinabi ni PMaj Bulcio na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay, matapos umano mawala ang cellphone, pera, at laptop ng biktima.| via Bombo Noveh Organo